Maraming bagay tayong maaring ipagmalaki bilang Pinoy. Pinoy Pride ika nga. Subalit, may mga bagay rin tayong ikinakahiya. Huwag na tayong tumingin sa malayo. Aminin natin na may mga pagkakataon na hindi natin napapansing tingnan ang ating mga sarili. Kung iisipin, tayo mismo ang kinatawan ng lahat ng mga Pinoy sa mga taong nakakasalamuha natin. Isa-isahin natin ang ilang mga ugaling Pinoy na hindi dapat ipagmalaki at dapat nating baguhin.
1. Utak Talangka o Crab Mentality
Tinatawag na utak talangka ang isang tao kapag nais niyang makaangat sa buhay pero sa pamamagitan ng paghatak sa iba nang pababa. Sa madaling sabi, ayaw ng mga Pinoy na nalalamangan sila. Makikita ito sa ilang tao na dahil sa inggit o selos ay maninira ng kapwa o mandadamay sa kasalanan.
2. Ningas Kugon
Ang ningas kugon ay nangangahulugang sa una lang masigasig, maganda o magaling ang isang tao sa isang gawain. Sa kalaunan naman ay hindi na niya ito naitutuloy o hindi niya ito natatapos. Isipin mo na lang na ito ang katrababho mong sa una lang bibo tapos kapag tumagal, puro salita na lang.
3. Ugaling “Bahala na” o “Mamaya na.”
Ito ang ugali ng Pinoy kung saan lumalabas ang katamaran. Maari itong mangahulugang naniniwala talaga ang mga Pinoy sa ultimong kapangyarihan ng pagpapatnubay ng Diyos ngunit maari rin itong mangahulugang madaling sumuko o madaling mawalan ng pag-asa ang mga Pinoy. Isa pang bersyon nito ay ang “Bahala na si Batman.”
4. Filipino Time
Isa ito sa pinakamalalang sakit ng mga Pinoy. Ang tinatawag na Filipino Time ay nangangahulugang pagiging wala sa tamang oras o huli. Kumbaga, kapag sinabing Filipino Time, ito ay 30 minuto o higit pang huli sa totoong oras. Kung kaya’t sa mga pagdiriwang sa Pilipinas, mapapansing ang oras sa imbitasyon ay pinaaaga ng 30 minuto hanggang isang oras para siguradong makapagsimula sa nais na oras.
5. Hindi pagsunod sa patakaran.
Hindi ko alam kung dahil ba matigas lang ang ulo ng mga Pinoy o talagang wala lang disiplina? Mapapansin ito sa araw-araw na kilos ng mga tao sa daan. Marahil ito na nga ang dahilan ng problema sa trapiko sa Pilipinas. Maging mga taong naglalakad o nagmamaneho ng sasakyan, laging may mga pasaway.
6. Colonial Mentality
Ibig sabihin nito ay ang pagtangkilik sa mga bagay na bayaga. Ang ugaling ito ay nakuha ng mga Pinoy mula sa mga banyagang sumakop noon sa Pilipinas. Mapapansin na kalimitan mas mababa ang tingin natin sa sariling atin kaysa sa mga bagay na mula sa ibang bansa. Unti-unti na itong nababago ngayon at sana patuloy nating tangkilikin ang sariling atin.
7. Korapsyon
Isang resulta ang korapsyon ng mga ugaling pagtanaw ng utang na loob at ng Padrino system. Sa pagtanaw ng utang na loob, maaring mas paboran natin ang mga taong pinagkakautangan natin ng loob kaysa sa mga taong mas karapatdapat. Ganoon rin sa Padrino system, makukuha ang pabor, promosyon, o politikal na katungkulan sa pamamagitan ng relasyon bilang pamilya o pagiging magkaibigan. Kung hindi man dahil sa dalawang ito, maaring dulot na ito ng kagawian ng pagbibigay “lagay” para makuha ang gusto.
8. Double Standards
Karamihan sa mga Pinoy ay namulat sa lipunang pinapaboran ang kalalakihan. Kapansin-pasing iba ang pagtrato sa mga babae at lalaki. Kung naaalala ang commercial ng Pantene tungkol sa Double standards, Boss ang tawag sa lalaking magaling sa trabaho pero Bossy ang tawag kapag babae. Laging positibo ang pagsasalarawan sa mga lalaki pero nagiiba na kapag sa mga babae, medyo negatibo.
9. Balat Sibuyas
Gaya ng sibuyas na manipis ang balat, kapag sinabing balat sibuyas ang isang tao, siya ay sensitibo sa mga negatibong komento. Natutuwa tayo kapag nakakarinig tayo ng papuri pero ibang usapan kapag pamumuna ang naririnig. Madaling personalin ng mga Pinoy ang mga pamumuna o negatibong komento kahit pa para sa ikabubuti.
10. Laging may Handaan.
Mahilig sa handaan ang mga Pinoy. Isa rin ito sa mga impluwensya ng mga sumakop sa mga Pilipino noon. Bawat parokya o bayan ay may piyesta kung saan ang lahat ay naghahanda. Kinasanayan na ito ng marami. Dito makikita na masiyahin talaga ang mga Pinoy pero makikita rin ang pagkamaluho at pagkamapasikat dito. Ang ilan na naghihirap na nga, nangungutang pa para lang makapaghanda, para sa piyesta man o mga kaarawan.
Ating pansinin at tanggapin na mayroon tayong mga kinaugalian o kinasanayang hindi maganda. Kinakailangan natin ng lakas ng loob at pang-unawa para gawin ito. Totoong mahirap pero hindi imposibleng baguhin para na rin mas ikabubuti ng lahat ng Pinoy.