Kahit anong galing mo sa school, kadalasan, after graduation, pahirapan sa pag-a-apply ng trabaho sa Pinas. Ilang baryang pamasahe ang naubos mo sa jeep makapunta ka lang sa interview mo? Ilang boteng mineral water ang nainom mo sa kainitang tapat, maibsan lamang ang uhaw sa haba ng ng iyong nilakad? Ilang Resume ang ipinasa mo? Pudpod na ang takong ng sapatos mo sa kakalakad at basang-basa na ang kili-kili mo sa pawis pero wala pa rin… Hanggang kailan? Gaano ka katagal maghihintay?
Kaya naman kahit mahirap, kahit nakakakaba at nakakatakot, sinunggaban ko na ang pagkakataon na mangibang bansa.. Pila doon.. Tawag dito… Bayad doon… haaayyy.. walang katapusang pagtitiis. makumpleto lang ang mga dokumentong kailangan para makahanap ng trabaho.
Ilang araw at ilang buwan ang hinintay mo para makumpleto lahat ng dokumentong kailangan ng agency? Ilang tao ang nilapitan mo upang makahiram ka ng placement fee? Nakakapagod, nakakatuyo ng dugo at bulsa. Pero ganun pa man hindi pa rin ako nawalan ng lakas ng loob na balang araw makakaraos din kami sa hirap at balang araw mapapagawa ko din ang bahay namin na inanay na ng panahon.
Bawat tunog ng cellphone, nagbabakasakali na yun na ang magandang balita na hinihintay ko. Nakaka-praning! bakit ang tagal? Naloko ata ako ng agency na inapplyan ko. Pinerahan lang ba ako? Minsan yan ang naiisip ko. Pero sabi nga nila, ang taong naghihintay ng matagal malamang bukas may pagpapalang nakalaan.
Hanggang isang umaga, natanggap ko na ang tawag na aking hinihintay… Tuwang-tuwa si Inay at Itay. Samantalang proud na proud naman ang mga kapatid ko. Walang magpag-sidlan ang tuwa sa aking puso at excitement. SA WAKAS! MAGKAKATRABAHO DIN!
Dali-dali kong inayos ang mga gamit ko, ang mga damit masinsing inayos ni Inay. At walang sawang bilin mula kay Bunso, “Kuya sapatos ko pagbalik mo ha?’ saka cellphone na touch screen”! sabay tawa ng malakas. Siempre ako naman “OO” kasi magkakatrabaho na ako.
Pero sa isang banda, bigla ako napahinto.. napaisip ako.. Paano na sila pag-alis ko? First time ko mawawalay sa kanila ng ganoong katagal. Hindi ko na maririnig ang sermon ni Inay sa umaga… yung kulitan ng mga kapatid ko hindi ko na din makikita…Hindi ko na din maririnig ang tahol ng alaga naming aso.. ilang Birthday din ang mami-miss ko? Parang kulang na ng isa ang pamilya pag umalis ako.. Nakakalungkot pala.. Iba pala ang pakiramdam na alam mong bukas makalawa e hindi ka na nila kasamang kumain sa mesa.
Kasalukuyang bumabagyo at rumaragasa ang bagyong Ondoy, bago ko nilisan ang Bulacan patungo ng Saudi Arabia. Walang kuryente, kaya naman ang damit ko paluwas ay lukot-lukot, wala din kaming LPG kasi mahal, kaya naman todo paypay at ihip sa kalang de-kusot ang kapatid ko at putik-putik ang sahig ng kusina dahil sa tagas ng ulan sa mula sa bubungan.
Ilang oras pa, dumating na ang nirentahang sasakyan ni Itay upang ihatid ako sa Airport. biglang lumakas ang kabog sa dibdib ko. Eto na, tuloy na tuloy na, wala nang makapipigil. Sa puso ko, “ayoko nang tumuloy”..pero sa isip ko “kailangan ko”.. Pinagmasdan kong mabuti ang loob ng bahay namin, bawat sulok kinabisado ko.. Bawat tanim na halaman, alagang hayop, mga bahay ng kapitbahay pilit kong nirehistro sa utak ko. Nakita ko si Inay namumugto ang mata, kahit nakangiti siya sa ‘kin, alam kong umiyak siya… Ayaw lang niyang ipakita sa akin…
Nang makarating na kami sa paliparan, namangha ako kasi first time kong makakita ng eroplano. Nakakatawa pero ang laki pala talaga. Ilang oras na lang papasok na ako sa loob ng paliparan, kaya niyakap ko nang mahigpit ang mga magulang ko at kapatid ko at tuluyan na akong nagpaalam. Di na ako lumingon sa kanila habang lumalakad ako papalapit sa pintuan ng paliparan, dahil alam kong maiiyak lang ako.
Ang daming tao sa loob.. Karamihan ang gaganda at bago damit ng suot nila.. may ibat-ibang lahi din akong nakita. Nakakalito hindi ko alam kung saan ako pipila. Tanong dito, tanong doon… Miss… Sir…Ate.. Kuya… gusto kong sumigaw sa gitna ng maraming tao ng “HELLPPPP!” pansinin n’yo ako…. Nilakasan ko loob ko, tingin sa ticket.. tanong sa katabi… tama! malapit na! matatapos ko rin ang pila.
Hanggang sa nakarating na ako sa Boarding Gate.. gutom na gutom ako sa pagod.. at ihing-ihi din ako.. yung mga kasama ko sa pila nagsibilihan na sa maliit na tindahan sa bandang likuran, samantalang ako candy lang ang kinain ko.. hahaha! Mula sa salaming bintana ng paliparan, halos abot-kamay ko na ang sasakyang eroplano. Paano kaya lilipad ang higanteng Bakal na toh? Hindi kaya Bumagsak to pag nasa ere na kami. Wag naman sana! Ano kaya pakiramdam? nakakatakot siguro pag palipad na, e sa ferriz wheel nga natatakot ako sumakay, dito pa kaya?
Dumating na ang takdang oras, isa-isa na kaming pinapasok.. Habang lumalakad ako papalapit , nanginginig ang tuhod ko at pinagpapawisan ang kamay ko. “Lord tulungan mo po ako…” yan lagi ko sinasabi noong mga oras na yun.. Nakangiti kaming sinalubong ng mga flight stewardess sa loob, umupo na rin ako sa seat number na nasa boarding pass ko. Pindot dito kalikot doon..ganito pala ang itsura ng loob ng eroplano. Lilipad kaya ito? yun pa rin ang tanong ko…..
“Fasten your seatbelt”… umandar na ang eroplano… paikot-ikot sa runway… hanggang sa bumulusok papaitaas! Ang hawak ko sa upuan ko! Diyos ko, Lord!! Inay!! Para! Ayoko na! Baba na ako!!! yan yung sigaw ng puso ko sa sobrang takot ko nung oras na yun.. Putlang-putla ako. Hanggang sa naging panatag na at dumirecho na ang lipad ng eroplano… Puro ulap lang naman nakikita ko… tumagal ng walong oras ang biyahe.. ang sakit sa likod… Gabi noon at kitang-kita mula sa itaas ang libo-libong gintong ilaw ng Saudi.. Nakamamangha.. ang ganda.. First Time ko at hinding-hindi ko malilimutan yun hanggang sa tumanda ako.
Paglapag ng eroplano sa Saudi Arabia, ayoko nang umalis sa kinauupuan ko, kasi alam kong panibagong kaba na naman ang sasagupain ko nito sigurado. Ano kaya ang itsura sa labas? Ano kaya ang itsura ng mga tao? Mababait ba sila o masungit? Eto na toh, ituloy ko na! Kaya ko to! Hanggang sa tumagal ako ng limang taon, kahit nakakapagod ang trabahong napasukan, sige lang! Tuloy lang ang laban..
Sa ngayon, natutulungan ko na ang pamilya ko, natulungan ko rin sa pag-aaral yung dalawang kapatid ko sa kolehiyo, at ngayon unti-unti ko nang naipapatayo ang bahay namin. Salamat kay God sa Gabay at Lakas ng Loob na binigay niya sa akin, dahil First Time ko din mamangha sa sarili ko na Kaya Ko Pala!