Ako si Rene, bunso sa apat na magkakapatid. Lumaki akong OFW sa America ang aking mga magulang. Napetition isa-isa ang aking mga kapatid. Hindi na nga sila nakapagtapos ng Kolehiyo kase mag-oover age na daw. Pinilit kong makapagtapos ako hanggang sa naging abogado ako. Sa Pinas na ako nagkapamilya. Doktor ang aking napangasawa at masaya kami kasama ang aming mga anak.
Hindi ko maiwasang gustuhing makasama ang aking mga magulang at mga kapatid. Lahat sila magkakasama sa Amerika. Sa hindi ko malamang dahilan, nahirapan akong makapag-apply sa Amerika. Makalipas ang dalawang taon na naiwan kami ng aking pamilya sa Pinas, naisipan kong subukan ang aking kapalaran sa Canada. Malapit naman sa Amerika kaya pwede na. Mabuti na lang at pumayag ang aking asawa na makipagsapalaran sa Canada.
Nakarating nga kami sa Canada. Tunay na malamig ang simoy ng hangin. Nagsimula kaming maghanap ng trabaho pero imposible kung bilang abogado o doktor dahil kailangan pa mag-upgrade o dumaan sa madugong assessment. Napagdesisyunan naming mauna munang mag-upgrade si Misis habang ako ay full-time house-husband. Subalit, kung magpapatuloy kaming ganoon, mauubos ang dala naming baon.
Nahiya naman akong humingi ng tulong sa mga magulang at mga kapatid ko noon. Para sa akin kasi tapos na ang obligasyon nila. Kung kaya’t sinubukan kong maghanap ng trabaho na related sa law. Nakakita naman ako pero hindi naman pasok sa schedule naming mag-asawa noon. Syempre pamilya ko pa rin ang priority ko kaya sinubukan ko ang menial jobs. Naisip ko, marangal naman at kumikita ako. Kadalasan ang gusto ng marami ay day shift. Pabor naman sa akin kaya weekend at pang-gabi ang nakuha kong shifts.
Isang araw, sabi ng isang kaibigan ko, “Attorney, sub mo muna ako sa dishwashing job ko. Apat na oras din un.” Tinanggap ko naman. Mula sa part-time kong trabaho bilang Card Dealer sa Casino, magigipit ako sa oras dahil 30 minutes lang ang pagitan. Kung nagbus ako, siguradong mahuhuli ako. Naisipan kong tumawag ng taxi. Alam kong yung isang oras na pinagtrabaho ko ay mapupunta lang sa pambayad ng taxi pero ayos lang yun. Pagtanaw ko na lang rin ng utang na loob. Yung kaibigan ko kasing iyon ang nagpasok sa akin sa trabaho, baka hindi na ako mabigyan sa susunod.
Habang nasa taxi, nagtitinginan kami ng Driver. Una siyang nakipagusap sa akin. Sabi nya, “Are you a Filipino? Are you new here?” Sumagot ako ng maiksing, “Yes.” Nagtanong syang muli, “Are you going to your second job?” Tumango nalang ako. Wala akong ganang sumagot dahil pakiramdam ko nasa pinakamababang lagay ako noon sa buhay ko.
Habang nasa daan, patuloy naman na nagkwento ang Driver, “You know what? I was a doctor in my home country. It’s hard to find a work related to your work here. I am studying at day and driving at night.” Nagulat ako. Parang nayanig ang mundo ko nang marinig ko yun. Para akong aatakihin sa puso sa bilis ng tibok ng puso ko. Sa isip ko naman, “Okay lang atakihin ako dito sa Taxi. Doktor naman pala ang nagmamaneho.” Sa isang banda, naisip ko rin, “Nasaan ang hustisya?”
Nakarating na nga ako sa Extra job ko. Narinig ko ang kwentuhan sa mga staff, may konting tsismis. Doon ko natuklasang yung mga kitchen helpers pala mga dating Engineers, yung mga cashiers naman ay dating mga Accountants, at si Ate Server ay isa palang Nurse.
Noon ko napagtanto na marahil ganoon ang buhay ng aking mga magulang at mga kapatid sa Amerika. Sa bawat hiling ko, “Ma, kailangan ko ng laptop.” Ang sagot niya, “Sige anak. Magkukuskos muna ako ng isang daan kubeta.” Sa bawat hingi ko ng pangmatrikula sa mga kapatid ko, maghahati-hati daw sila at magpapadala kapag nakuha na nila ang sweldo sa extra jobs nila.”
Akala ko noon nagbibiro lang sila, akala ko nang-giguilt trip lang kasi ayaw talaga nila magbigay. Ang totoo, hindi basta-basta pinupulot ang pera. Habang kumakain ako ng steak sa Pinas, Adobong Pangat ang nasa hapag kainan nila.
Lumipas ang mga taon, nakapagtapos ang aking asawa. Ako naman ang sunod na nag-upgrade, hanggang sa natapos ko rin. Nakapasok na rin kaming muli sa aming linya ng trabaho. Naging mga ganap na Canadian Citizens kami at labas-pasok na lang sa bansang Amerika. Nakakabisita kay Mama, kay Kuya, Ate at mga pamangkin.
Naging mahirap man ang aming napagdaaan, hindi kami sumuko. Magbalik-tanaw man kami sa nakaraan, isang malaking aral ang aming natutunan. Kung noon hinahanap ko ang hustisya, ngayon masasabi ko nang “Justice is Served.”
Nakamtan ko din ang hustisya.
Hustisya para sa mga nagtiis at nagtiyaga.
Hustisya para sa mga hindi sumuko.
Hustisya para sa mga gustong makasama ang pamilya.
Maraming salamat sa pagbabasa ng (o pakikinig sa) aking kwento. Maging inspirasyon sana ito sa marami. Mabuhay ang mga nasa Canada!