Friday , March 24 2023
Home / Immigrant Story / Immigrant Story: Pakulo ng Kapalaran

Immigrant Story: Pakulo ng Kapalaran

class="fb-xfbml-parse-ignore">Share

Hindi ko alam kung paano ko uumpisahan ang aking kwento. Hirap akong ipagtagpi tagpi ang mga naging pangyayari sa aking buhay. Habang isinusulat ko ito, pumapatak ang aking mga luha. Hindi ko alam kung alin sa mga pangyayari sa aking buhay ang may nagmamay ari sa mga luha na nakalaya sa piitan ng aking kalooban.

Kagaya ng lahat ng nangarap makapag abroad, ang Canada ay inasam asam ko rin. Kumbaga sa istasyon ng tren, ito na ang pinaka huling istasyon ng mga taong nikikipagsapalaran sa ibang bansa. Kagaya ng guhit sa ating  mga palad, maraming paliko liko at ang mga guhit ay parang walang saysay. Malalaman mo nalang ang kabuluhan ng lahat kapag nararanasan mo na sa actwal na mga pangyayari.

Noong nalaman ko na inaprubahan ang aking Visa, nalaman ko rin kinabukasan na ako’y nagdadalangtao. Maganda na sana, dalawang blessings sa magkasunod na araw pero may problema.

Posible pala yun: magkakaroon ka ng blessings sa magkasunod na araw pero hindi ka magiging masaya. I mean, masaya  sana kung hindi nagkasunod, masaya sana kung nangyari muna yung isa bago mangyari yung isa pa. Pero nangyari na hindi na maibabalik pa. Wala akong matinding sikmura para ipalaglag ang bata para lang makapag Canada. Masahol pa sa demonyo ang ganung klaseng mga tao. Hiniwalayan ko kaagad ang boyfriend ko noong sinuggest nya sakin na ipalaglag namin ang bata. Ang sabi pa nya  “ “Makakabuo naman ulit tayo sa Canada.”

Lumipas ang ilang taon, mag isa kong pinalaki ang aking anak. Itinakwil ako ng aking mga magulang dahil hindi nila matangap na nabuntis ako at ang pangarap nila para sakin ay hindi natupad. Minsan naitatanong ko sa aking sarili kung pangarap nga ba nila yun para sakin o pangarap nila na hindi nila kayang tuparin o hindi natupad.?

Nagtrabaho ako kung saan saan. Nag waitress, sa mga mall, nag tinda ng Avon at kung ano ano pang paninda. Halos tamang tama lang ang aking kinikita saming mag ina, minsan kapag nagkakasakit ako at hindi makapasok kulang na kulang talaga.

Noong panahon na yun, inihasa ko ang aking sarili sa pagsasalita ng English at kahit katawa tawa ako sa ibang mga tao kinakausap ko pa rin ng English ang anak ko. Hangang sa magkaroon ako ng kumpyansa at nag apply sa Call Center. Natangap naman ako sa awa ng Diyos. Kahit papaano naging maganda ang takbo na aming buhay ng aking anak. Yung nakakakain kami sa labas atleast twice a month at nadadala ko siya sa mga lugal na hindi ko siya madadala kung yung trabaho ko parin dati ang aming ikinabubuhay.

Nagipon ako ng ilang taon at naisipasan kong mag aral ng Caregiver dahil isa sa mga account namin sa Center ay connected sa health care.

Isang taon akong nag aral. Bale anim na buwang schooling at anim na buwang practicum. Hindi naging madali, pero kinaya ko lahat Sa anak ko ako kumukuha ng lakas ng loob. Siya ang mundo ko at ako ang mundo niya. Naisip isip ko: “ Paano naging mali ang isang pangyayari na nagbigay ng kulay sa aking buhay.”

 

Hangang isang araw, naka tangap ako ng email. Sa wakas, sa daan daang resume ba naman ang isinabmit ko online. May mag asawa na gustong kuhanin ang aking serbisyo bilang isang caregiver. Noong una ayaw kong maniwala sa mga pakulo ng kapalaran. Minsan kasi sa sobrang pagnanais natin na makamtan ang isang bagay lalu naman itong nagiging mailap. Kaya sa klagitnaan ng proseso ko hindi ako umasa na makaalis ako. “To hell with Canada” ang bangit ko sa bawat hakbang ng apply ko.

Hindi ko inakala na makakarating  ako ng Canada. Mahabang istorya at pagpapaliwanag. Wala akong sapat na oras para idetalye ang lahat. Basta masalimuot. Ika nga ng aming kapit-bahay: “Ang daming che che bureche.!”

Bago ako umalis, umuwi ako samin. Halos limang taon din ang pagkawala ko. Nakita kong tumanda ang aking mga magulang. Noong una, halos hindi ako papasukin ng aking tatay. Pero noong niyakap ako ng aking nanay doon na din napayakap ang aking itay. Ramdam kong may hinanakit sila. Ramdam ko sa kanila ang sakit na naidulot ko rin gawa ng sakit din na naidulot nila. Pero aalis na ako. Panahon na para magkabati bati. Masayang masaya nilang tinangap ang apo nila. Para daw ipinaganak akong  muli noong makita nila ang anak ko. Ganun din daw ang naramdaman nila at baka higit pang ligaya noong iniluwal ako sa mundo.

Read here: Part 2 – Ang pakulo ng kapalaran

class="fb-xfbml-parse-ignore">Share

About manalojamesryan_galura

Check Also

Former Pinay Caregiver, Now a Well-known Fashion Designer in Canada

50-year-old Pinay fashion designer, Genette Mujar is now getting recognized in Canada. Genette is the …