Home / Immigrant Story / Immigrant Story: Winter ka, Pinoy ako pero bakit ganito?

Immigrant Story: Winter ka, Pinoy ako pero bakit ganito?

Sa tingin ko ito yung mga panahon na dumarating sa isang imigranteng katulad namin na nagtatanong na sa sarili kung tama ba ang desisyon na umalis sa nakalakihang bansa. Iwanan ang pamilya, kaibigan, kamag anak. Nakasanayang lugar. Nakasanayang pamumuhay.

Ngayon naiintindihan ko na ng lubos ang sinasabi ng mga nasa ibang bansa dati na: “hindi mahirap ang buhay dito” (kung saan mang bansa sila nandoroon). “Hindi pinupulot ang pera dito”

Trabaho lang ng trabaho. Kahit gusto mo ng magpahinga iisipin mo pa din, kailangang magtrabaho. May upa ng bahay o buwanang hulog na kailangang bayaran. Ganon din naman sa Pilipinas, pero malamang lamang may bahay ang magulang mo na pwede kang makisuong o kalaunan ay pwedeng iwanan sa iyo

Kailangan magbayad ng sasakyan na kinuha mo. Sa Pilipinas, lumabas ka lang ng bahay pwede kang maglakad o pumara lang ng tricycle o jeep makakarating ka sa pupuntahan mo. Dito 6 na buwan na may yelo, 6 na buwan na taglamig. Kung wala kang sasakyan, 2 hanggang 3 bus ang sasakyan mo. May konektado agad, pero may 5 – 15 minutong lakad sa kasunod na istasyon. Lalakarin mo yun sa -20 hanggang -49 na temperatura sa labas.

Ang insurance, kailangan mo din kumuha at magbayad buwan buwan. Sa Pilipinas, mamatay ka at maiwan mo ang pamilya mo, may sasalo sa kanila kahit papano, may titingin, at (kadalasan) wala ng bayarin na hahabol sa yo. Dito, kapag nakamatayan mo ang bayarin mo at wala kang insurance, kawawa ang pamilya mo, walang maiiwan sa kanila kundi kung ano lang naipon mo (kung mayroon ka mang naisusubi sa sweldo mo), hahabulin pa sila nito dahil kailangan mo pa ding bayaran ang mga ito – bahay, sasakyan, utang sa credit card. Oo, dahil dito kailangan may credit card ka, kailangan ka umutang para pagtiwalaan ka, para makabili ka ng bahay o sasakyan. Pangagailangan dito yun lalo sa pag uumpisa

Maraming paraan para kumita pero kung may bata kang maliit kasama ito sa dapat mong ikonsidera, dahil hindi pwedeng maiwan ang batang edad 12 pababa mag isa sa bahay. Makukulong ka dito at kukunin ng gobyerno ang anak mo kapag ginawa mo yon. Sa pilipinas iwanan mo lang sa lola nya o sa kapitbahay maglaro maghapon okay na. Dito iwanan mo sa kapitbahay mo magbabayad ka.

Sa Pilipinas, lumabas ka lang ng bahay me makakausap ka, may 5piso ka me fishball ka, naiinitan ka sa bahay mag jeep ka , nasa mall ka na. Dito sa lugar na napuntahan namin,
Hindi mo gugustuhing lumabas ng basta basta kundi rin lang importante ang lalakarin mo. 3 hanggang 4 na patong na damit ang kailangan mong suotin. Mag bibihis ka ng bata kasing dami din ng suot mo o higit pa. Dalawa na kayong di makalakad sa kapal at bigat ng damit ninyo. Magtitiis ka muna sa lamig kahit nasa loob ka na ng sasakyan kasi papainitin mo pa ito dahil nagyeyelo pa ang langis mo. Kaya kalaunan, matagal pa ang preparasyon ng pag alis kaysa sa pupuntahan mo.

Sa Pilipinas, pwede kang kumuha ng kasambahay, dito ikaw lahat. Laba, luto, linis, ligpit. Yung day off mo ng 2 araw kinukunsumo lang ng gawaing bahay. At dito tulog na lang, papangarapin mo pang makuha

Kaya may mga taong nakakaranas dito ng tinatawag nilang “winter depression”. Sa tingin ko pinagdadaanan namin itong mag asawa ngayon, katamtaman lamang pero kahit papano nakakabahala.

Masyado kaming nahuhulog sa malalim na pag iisip kung tama ba yung naging desisyon namin. Ano ba ang nakalaan sa hinaharap kung patuloy lamang na umiikot ang sweldo sa bayarin? Mga bagay na malayo sa pinangarap namin. Gusto mong magpahinga pero hindi pwede. Yung pakiramdam na lunes kahapon, lunes na naman agad bukas. Ang bilis ng buhay dito. Lumalakad ang araw na parang wala kang nagawa (o accomplishment). May gusto kang gawin para umangat ng konti pero hindi pa sapat sa ilang aspeto gaya ng oras, pinansiyal at emosyonal. Dinadala mo din sa isip mo ang anak mong maliit, taglamig, 6 na buwan nakakulong lang sa bahay. Pag uwi mo galing trabaho pagod ka na para makipag sabayan sa gusto niyang gawin. Lumalaki siya na natututo na lang libangin ang sarili mag isa

Sa trabaho, sumusuko na ang katawan mo pero kailangan ang isip mo laban pa din. 1 hanggang 2 trabaho gagawin mo hindi dahil gusto mo, pero kasi kailangan. Dahil taliwas ang oras ng trabaho nyong mag asawa, kahit mag usap di nyo na magawa kasi tulog na ang isa. Yung anak mo kailangan mong gisingin kahit maaga pa kasi aalis ka na sa trabaho. Bibilinan mo. Ihahanda mo yung pag iiwanan sa kanya. Ipapaintindi mo sa mura niyang edad na magtiis muna manuod na lang ng tv o kumain mag isa kasi kailangan umalis ni Mommy o wala pang tulog si Daddy.

I’m not complaining. Nor discouraging other people to keep dreaming the “Canadian dream”. But reality has so many faces. And this is one of it.

Amidst all these, one things for sure, nakilala namin ang Panginoon and that keeps us going.

He has been faithful to us eversince. He has given us all we have prayed for even those that we didnt ask. He never fails. So, why should we?

Laban lang. Sabi ko nga sa asawa ko, hindi naman tayo tamad. Hindi naman tayo gumagawa ng masama sa kapwa natin. Tinanggap na natin si Kristo bilang ating tagapagligtas. Anumang hilingin natin ibibigay sa atin basta kapit lang at tiwala sa taas.

Rose Francisco of Winnipeg

Meanwhile, if you are in Canada, you may join in this FB GROUP. 

About Admin

Check Also

A Pinoy Family’s Tragedy Brings the Filipino Community Together

It has been a week since a random home invasion took the life of an …