Home / Immigrant Story / Kwentong Canada: Pangarap na ganap at kasisa-siya

Kwentong Canada: Pangarap na ganap at kasisa-siya

Panulat Ni Gng. Rie Marie

Hindi ko alam kung paano ko sisimulan ang panulat kong ito na may kalakip na inspirasyon at pagpapala. Noong nakaraang linggo pa ako ‘di makatulog ng maayos sa gabi, hindi marahil ng lamig o init ng heater ang siyang bumabagabag sa akin, kundi ang mga alaalang nanunumbalik sa aking nakaraan bilang isang GURO.

Noon sabi ko kapag stress na stress na ako ng sobra, madalas kong dinadasal sa Diyos na sana makalipad na kami agad agad papuntang Canada para makaiwas na ako sa stressful life ng pagtuturo. Sa araw-araw na pagtuturo mula ala-sais ng umaga hanggang 12:20 ng tanghali, Lunes hanggang Biyernes, kung minsan o minsan madalas depende sa pangangailangan, papasok pa ng Sabado para sa ilang training at workshop sa Pamamahayag, kasi nga simula noong ako ay natuntong ng pampublikong paaralan sa Matamis na Alaala ni Sitero taong 2005 hinirang na agad akong School Paper Adviser kahit hindi sapat ang aking kakayahan at kaalaman sa larangang iyon. Hindi lang iyan, maliban sa pagtuturo, kailangan maging maagap ka sa pagrerekord ng iba’t ibang uri ng gawaing pansilid para hindi ka matambakan, para makauwi ka rin ng maaga o maaga kasi mauunahan mo ng kalahating oras sa paguwi ang mga guro sa panghapon (hahaha…pero infairness masaya kong ginagawa iyon noon lalo pat dalaga pa ako)

Pero lumilipas ang panahon, maraming pagbabago at dapat baguhin, hindi lang sa Sistema kundi sa mga batang taon-taon ay iba-iba ang ipinapakita, iba’t ibang ugali, pananaw, kinalakhan, paborito at napakarami pang iba. Na kung minsan iniisip ko, dapat taon-taon iba iba rin ang approach ko sa kanila dahil iba nga rin sila. Kung susumahin ko ang lahat, Malaki ang naitulong nito sa aking buhay, sa aking paniniwala at pinaniniwalaan. Nariyan na kailangan matuto kang sumabay sa nakahiligan nila o napapanahon para sa kanila, yun tipong nagmumukha ka ng tanga kasi pinipilit mong makasabay kahit alam mong nakokornihan kana kasi nga dekada ang agwat ng tanda mo sa kanila. Ngunit may mga sandaling swit-switan sila, may magbubukas ng usapin tungkol sa pag-ibig na akala mo naman alam na alam na nila ang totoong kahulugan nito, pero kung pakikinggan mo, madadala ka sa agos ng kwento nila dahil sa sobrang realistic at tila hindi bagay sa edad nila.

Nakakamiss rin pala yung sasabak kayo sa mga kontes lalo na’t pang rehiyon na, (kasi diko pa naranasang makasali kami sa pang National, hindi inadya baka yumabang daw ako! Charot!) grabe! Ang sarap sa pakiramdam na may bitbit sila para sa ngalan ng paaralan at siyempre sa ngalan ko rin bilang tagasanay hehehe… Naranasan ko rin ang paroo’t parito sa entablado at paulit-ulit ang pagtawag sa pangalan ni Sitero at ni Gng. Sison, Valdez na, pagkalipas ng 2007. Mga alaalang nakatanim sa aking puso at isipan, mga sandaling hindi ko kailanman malilimutan.

Lumipas ang maraming taon, maraming dagdag trabaho, gaya ng action research, inobasyon pampagtuturo, kurikulum, at iba’t ibang uri ng eSeF-eSeF (SF) na yan, maya-maya may pagbabago, maya-maya may ipinapasa. Ang kainaman doon, natuto ako. Bagamat nakakapagod aminin natin sa hindi, minsan o madalas nakakaumay na rin at nakakapanlata.

Hindi lang sa loob ng paaralan ang pagbabago, dumating rin sa buhay ko at sa pamilya ko ang mabilisang pag-ikot 360° noong  minsang nangarap ang aking asawa na mangibang bansa, sa Canada. Gaya nga madalas ng sinasabi ng ilan, lalo na yung may mga karanasan na, hindi madali ang lahat. Malaki, as in may malaking pagkakaiba. Pero ano ba kasi ang layunin ng asawa ko bakit siya nagdesisyong mangibang planeta. Sabi niya una, para sa kapakanan ng mga bata, sa kanilang edukasyon, kalusugan, klima, pamumuhay at napakarami pang iba. Sabi ko nga, sa madaling sabi, “Security yan Dad”. Oo, aminadao ako na excited ako sa una, dahil kung inyong aalamin, ito ang unang pagkakataon na lalabas ako ng bansa at sasakay ng high class o international flight. Masaya, punung-puno ng pag-asa, kasi magkakasama na kami (maliban kay bunso na naiwan muna sa Pinas dahil sa ibang dahilan, pero makukuha rin agad hehehe…) at yung permanenteng makakawala ka muna sa larangan ng pagtuturo, sa stress kung tutumbukin. Pero bakit ganun, may lungkot sa puso ko, parang may kirot, hindi ko alam kung ano ang pinakamalalim na dahilan.

Noong nagland na kami dito sa Canada, sa umpisa masayang masaya, eh ikaw ba naman ang makakita, makahawak at makadama ng snow eh ewan ko nalang. Natural malamig ang klima, kakaiba sa nakasanayan sa Pinas. At talagang babalik sa simula. Yun tipong para kayong bagong kasal kasi lahat bago, bagong kama, bagong mesa, mga plato, kutsara’t tinidor, bagong tao, bagong pakikisalamuha, bagong trabaho, bagong karanasan, bagong lipunan at napakarami pang bago, dahil bagong salta ka.

Sa unang buwan, hindi ko pa dama ang hirap at sakripisyo. Kung titignan mo, mahal ang bayad sa lahat ng dapat bayaran, gaya ng upa, kuryente, data, telepono pati na rin insurances, oo, tama! Insurances kasi lahat dito dapat insured ka. Dito ko naranasan yung “totoo”. Dahil dito totoong kukuha at magtetake ka ng driving exam, kung bagsak, bagsak, walang pakiusapan. Dito dapat lagi kang totoo, bawal ang sinungaling, bawal ang peke, kailangan tapat ka at may sapat na dokumento, hindi pwedeng huwad. Dito totoong nakakalungkot, nakakalungkot kasi naiwan mo sa Pinas yung nakasanayan mo. Masarap na pagkain, may sariling bahay, may posisyon at magandang hanapbuhay, minsan prinsesa kapa kasi paguwi mo may lutong pagkain na at may kasama pang softdrinks o kaya saging. Sa Pinas kasama mo pamilya mo, nanay at tatay mo, kapatid mo at pamilya niya, pati na rin ng sarili mong pamilya. Pero ang higit na nakakalungkot yung hindi kana makadalo sa nakasanayan at nakalakhan mong Gawain tuwing Sabado. Mahirap kasi walang malapit na simbahang Katoliko dito sa lugar namin, lalong walang Gawain gaya ng EL SHADDAI. Namiss ko bigla (habang nagingilid ang aking mga luha at naguusap kung sino mauunang pumatak) Oo, proud kong sinasabi ito na kung hindi dahil sa pananampalataya ko at ng aking pamilya sa Diyos na aming pinaglilingkuran, malamang bangkay na ako. Maaaring hindi ko makayanan ang lahat, bumigay ang aking isip at puso at manatiling imbalido dahil sa kawalan nito at labis na kalungkutan. Sa madaling sabi, nagtitiyaga kami sa pakikinig ng Gawain sa internet at Misa sa Quiapo kay Poong Nazarenus gamit si Manong Facebook. Ang mahalaga hindi kami nawawala sa sirkulasyon.

Nakaranas na rin ako ng ibang linya ng trabaho. Namasukan ako sa pabrika ng mga tsokolate (pero bawal mag-uwi, makukulong ako, hahaha… pero masarap naman yun kaso masyadong matamis pero pang export rin) pero bilang isang laborer lang, malayong malayo sa aking karanasan. Nasubukan ko ring magtrabaho sa planta ng isda, pagawaan ng sardinas bilang tagarepake. Aaminin ko, hindi madali ang lahat. Walang easy job dito, gaya ng mga napasukan ko. Umiiyak ako kapag malapit ng uwian dahil nagpapasalamat nako nun sa Diyos at napagtagumpayan ko na naman ang isang araw. Pero sa bus na sinasakyan ko bilang service ng kumpanya, nararamdaman ko na ulit ang araw-araw na pamamaga ng aking mga kamay. Tumataba ang aking mga daliri at hindi kona maikilos dahil sa pamamanhid at labis na pamamaga. Dahil planta iyon ng isda, natural malansa hindi lang ng mga kamay kundi buo mong pagkatao. Mula pagbangon ko ng alas-kwatro ng umaga, magluluto ng almusal at pambaon, aalis ng alas-singko ng umaga at maghihintay sa hintayan ng bus, babyahe ng isang oras, darating sa planta ng ala-sais bente, uupo ng bahagya at magsisimula ng magrepake at maggupit ng mga isda para maipasok sa lata sa mabilis na paraan na nakatayo ng siyam hanggang sampung oras (15mins lang pahinga ko sa tanghalian kasi piece rate yun kailangan mong makarami ng gawa para Malaki sahod mo, ganern!) tapos nun isang oras ulit byahe pauwi, at pagdating ko naman siyang pagalis ng aking asawa para pumasok, ako naman derecho na sa banyo para maligo ng maligamgam kasi nga amoy isda ka mula ulo hanggang talampakan hahaha… Ooppsss… Hindi pa ako uupo nun pagkatapos kong maligo, dahil kailangan ko namang magasikaso sa bahay, magluluto ng hapunan (minsan kasama na baon at almusal sa umaga), maglilinis ng bahay, minsan walis nalang okey na, maglalaba at minsan naghuhugas ng plato (pero anak kong panganay pag walang gawain pang school siya na naghuhugas). Tsaka palang ako makakahiga, magpapahinga habang kausap ko ang mahal kong pamilya sa Pinas lalo na yung bunso ko, at doon na ulit magsisimulang tumulo luha ko sa ayaw at gusto ko dahil miss na miss kona sila.

Ano sa tingin ninyo? Madali ba? Kaya niyo rin kaya? At doon ko ulit maiiisip na sana nasa Pinas ulit kami para hindi ganito sitwasyon namin, na sana hindi namamaga mga daliri ko at namumulikat mga binti ng asawa ko sa sobrang pagod at kakulangan sa pahinga

Pero wala akong masasabi kundi mabuti talaga ang Diyos sa mga taong naglilingkod sa Kanya ng totoo at tapat. Pagkalipas ng ulit ng isang buwan, unti-unting nababawasan ang mga pangamba, ang lungkot at takot. Lalo na kapag nakakaranas kami ng mga pagsubok na akala mo walang solusyon pero meron pala, dahil sa tulong at gabay NIYA. May gagamiting mga tao na magpapalakas ng loob mo, mga taong tutulong sayo hindi man sa pinansiyal kundi sa serbisyo gaya ng sasakyan (isasabay ka nila kapag kasya pa o kaya kapag may interview ka sa malayo), may magaabot ng bigas o kaya salmong sariwa, minsan may kasama pang ulam sa gabi at marami pang iba. Gaya nga ng sabi ng ibang nauna sa amin dito, walang madali sa una, sa loob ng isang taon dyan ninyo mararanasan ang lahat ng hirap at sakripisyo, basta magtiwala lang kayo sa Kanya, magiging smooth din ang lahat.

Wala sa hinagap ko noong minsang nainterview ako sa telepono na makakapasa pala ako sa kwalipikasyon ng mga aplikante sa larangan ng Edukasyon. Hindi man literal na guro bilang tagapagturo sa mga puti kundi bahagi na rin nito. Sa totoo lang mukhang mahirap pa nga kung ikukumpara mo sa classroom setting ng mga regular students sa dahilang children with disabilities ang hahawakan ko. Wala akong karanasan. Kakarampot mula sa paghawak ng mga batang ispesyal sa main stream ng Sitero o kaya kapag nakakasalubong ko lang sila sa hallway o gate ng paaralan. Pero ang dalangin ko sa Panginoon ay ganito, kung talagang kalooban NIYA na dito ako magturo sa ganitong aspeto, makakayanan ko ang lahat, matatanggap ako at magiging madali sa akin ang responsibilidad na ito. Kalakip na rin na nawa maging masaya ako pagpasok ko araw-araw at mabilis kong matutunan ang lahat. Ang kainaman kasi rito, equality education sila, walang maiiwan, kahit ano pa ang estado mo o kakayahan. Walang diskriminasyon, wala sa kulay ng balat o taas ng pinagaralan, basta kinakitaan ka ng kakayahan at determinasyon, waging wagi ka! Pero naroon pa rin yung pagnanais kong makapag-aral ng ilang units ng edukasyon dito, iba pa rin kasi yung may pinanghahawakan kang mga sertipiko mula sa bansang pinaglilingkuran, yun nga lang hindi pa sa ngayon, wala pa kaming sasakyan at wala ring sapat na pera pambayad ng tuition, pero naniniwala akong ipagkakaloob iyon ni Lord sa takdang panahon. Nababasa naman NIYA ang laman ng aking puso kung bakit gusto kong umunlad, para saan at para kanino.

Maraming pagsubok sa buhay, iba’t ibang klase, iba’t ibang atake, pero isa lang ang napatunayan ko, ng pamilya ko, na inihanda na tayo ng Diyos sa lahat ng bagay sa mundong ito, nasa sa atin na kung paano natin mabubuksan ang biyaya ng Diyos na inilaan Niya sa atin at kung paano ito ganap na mapangyayari sa ating buhay. Walang madali sa buhay na ito, ngunit wala ring mahirap kung ipinagkaloob mo ang buong tiwala at pananampalatayang kikilos ang Diyos sa buhay mo. (kahit anong relihiyon meron kapa, walang problema) Lagi Siyang nakahanda sa kung anuman ang pangangailangan mo, magtiwala ka lang at maghintay.

Sa ngayon nagaaral pa akong magsalita at makipagusap sa Ingles. May pagkamahirap pero masarap matuto, walang mahirap dahil alam kong makakayanan ko, (positive lang bes!) yan ang natutunan ko dito. Lahat ng bagay, trabaho man yan o wika, mapagaaralan basta ba’t gugustuhin mo (ganern!) at napakalaking tulong ng mga karanasang naibahagi ng Pinas sa akin, walang katumbas na saya at pagpapahalaga. Minsan naroon ang panghihinayang sa posisyong minsang ipinagkatiwala ng Kagawaran ng Edukasyon sa akin. Hindi biro ang mapabilang sa hanay ng mga Dalubguro II (Master Teacher II). Mahirap pero nakakahamon, Stressful pero nakakatuto. Ngunit kailangan kong pumili sa dalawa, Karera o Pamilya. Halos 20 taon nalang ang bibilangin naming mag-asawa upang maging ganap na senior citizen na. Ang tanong, kailan pa kami magdedesisyon, kung kailan hindi na namin kayang hagkan ang isa’t isa, kung kailan madalas isang buwan sa loob ng dalawang taon lang kayo magkakasama, minsan wala pa. O iyong panahon na nakikita mong tumatanda kana at wala ng kakayahang kumayod para sa mga anak na may pangarap sa kani-kanilang buhay.

Gaya nga ng nauna kong sinabi, iba iba tayo ng pasaning krus, mayroong mabigat, mayroong magaan, at mayroong bumigay at nauna na. Nasa sa atin pa rin ang huling mga salita, ngunit naniniwala ako na kung ipauubaya natin sa Kanya ang lahat, higit na mas magiging maganda ang resulta nito dahil kalooban NIYA! Dito ako, kaming lahat natuto. Natutong magtiwala, manampalataya, humingi at magmakaawa, tumanggap ng hamon at pagpapala.

Sa ngayon, nakakapag-adjust na kami kahit paano, unti-unti nang nagiging maayos ang lahat. Sa bawat paglipas ng araw, may panibagong umaga at pag-asa. Walang susuko! Walang reklamo! Dahil sa lahat ng ito ay may nakaantabay na pangako, pangakong hindi ka NIYA iiwan, ni pababayaan. Pagyayamanin ka, siksik liglig at naguumapaw pa!

Papuri sa Diyos sa pangarap na ganap at kasiya-siya!

Paalala: Kung hindi ninyo kayang basahin sa isang upuan lang, maaari niyo namang balikan. Pero kung ayaw niyo namang basahin dahil may kakornihan, ihinto at burahin na lamang. Sana nakapulot kayo ng kahit na kaunting inspirasyon mula sa aking bukas na panulat. Maaari bang i-tag kayo ni Manong Facebook para sa babasahing ito? I-p-pm ko muna kayo ha, at kapag
u-mo-o kayo tsaka ko gagawin ang pang-iistorbo! Hehehe…

Ooopppssss…Pwede kayong magbigay ng sarili ninyong opinion, kritiks at tanong basta h’wag lang babaguhin o babarubalin ang sarili kong patotoo.

Salamat Bes!!!

Isinukat ngayong ika-27 ng Marso, 2019

Sa loob ng apat na oras, mula alas-dose ng tanghali

Hanggang alas-kwatro ng hapon,

Oras sa Canada

#PinoyCanada – Calgary
#PinoyCanada – Edmonton
#PinoyCanada-Ontario
#PinoyCanada – British Columbia

Montreal
https://www.facebook.com/groups/585482065303693/

SK
https://www.facebook.com/groups/293458051579152/

About Admin

Check Also

CANFIL Agency Faces Charges in Fraudulent Recruitment Scheme

The Toronto Police Services (TPS) announced that it has arrested Judith Ga and Myrna Valencia, …